Lunes, Disyembre 31, 2012

Katarata

Sana’y nanatili kang bulag
Upang anyo ko’y di mo mamasdan
Isang taong likha ng nakasisindak na imahinasyon
Na di matatarok ng bulok na sibilisasyon
Ipikit ang iyong mata upang di makita
Ang katotohanan na kay hapdi, o kay saklap
Pakinggan mo ang malayong boses sa ilang
Saklolo ang hingi, hindi awa, hindi simpatiya
Ano ba ang ginawa mo para sa kanila?
Ngayon na ika’y nakakakita na ng tuluyan?
At bakit ngayon ay bakas ang tulo ng iyong mga mata?
Umiiyak ka’t dugo ang iyong naging luha

Sabado, Disyembre 29, 2012

Post Mortem

Ginusto ko ba ang mapag-isa
O sadya lang yata akong nabalisa?
Sa mga pangyayaring di ninanais
Na ngayon ay siya kong itinatangis
Kailan pa naging mabuti ang mundo?
Siyang matagal ng tanong ng sarili ko
Bakit ngayon ko lamang ‘to napagtanto?
Caramba! Ako pala’y isang multo
Lagi ko kayong nakikita saan man
Di man lang napuna na ako ay dumaan
Tunay ngang ako’y patay na siyang nilimot
At sa lupa’y nakabaon, nabubulok