Martes, Enero 31, 2012
Mga Bagay Bagay na Naiisip ng Katulad Ko sa Loob ng Maingay na Musika ng Jeep
Hapong hapo na ako at tila bumibigay na katawan ko sa sobrang pagod habang papauwi na ako ng bahay galing sa eskwela. Ramdam na ramdam ko ang bigat ng aking bag na puno ng mga aklat habang ang tiyan ko nama’y hindi pa napupunuan ng pagkain. Kung makakain nga lang ang libro eh. Magtitiis muna ako, papalapit na rin naman ako sa bahay. Halos paikot-ikot na lang ang mundo ko, hindi nagbabago. Gayon at gayon pa din. Mag-aaral, magsisikap at magpupuyat. Sa mundong ito na talamak ang kahirapan, sinong tao ba ang ni minsan ay hindi man lamang nagkaroon ng problema sa kanilang pang-araw-araw sa buhay?
Gusto kong sumigaw. Gusto kong magwala. Ang rami ko ng kapalpakan pero hindi ito ang dikta sa akin ng panahon. Kinukulong ako ng lipunang ito na kung saan pinapanigan ang mga makapangyarihan at inaalipusta ang karapatan ng karamihan. Hindi ako aktibista, hindi ako raliyista at hindi rin ako komunista ngunit sa lumalalang sitwasyon ngayon, san na nga ba ang tuwid na daan?
Nakakalito. Nakakabobo. Mapanlinlang sa mata ng masa.
Marami ang nagbibingi-bingihan, mahirap man o mayaman. Sarili lamang natin ang iniisip natin. Lahat ng bayani’y maagang namatay dahil sa kalupitan at bagsik ng mga taong higit pa sa impakto kung gumawa ng kasamaan. Militarisasyon ang pangunahing inaasikaso ng pamahalaan. Hindi natutugunan ang pangangailangan ng pamayanan. Kailan ba mabubuwag ang sistemang kay lupit na tila daluyong ng pwersang humahagupit?
Hindi ako makata, hindi ako politiko at hindi manloloko. Ako ay parte ng masa. Parte ng karamihang dumaranas rin ng hirap.
Tama na nga ito. Sa simpleng pag-iisip sa jeep naisip ko pa ang mga bagay bagay na ito. Ipipikit ang mata, iisiping lahat ay kay ganda. Ipapahinga ang katawan na tila isang walang hanggan. Pilipinas! Bumangon tayo sa bumabaluktot na pangunguna! Maging magiting, harapin ang kinabukasan at salubungin ang Inang Bayan.
-Arvin Villanueva
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento