Nangarap tayo at nagbakasakali na makakamit ang tagumpay na inaasam. Achievers tayo kung tawagin noong high school pa tayo at naniniwala tayo sa kasabihang tiwala lang.
Nga pala, nasan na ang “tiwalang” iyon?
Sa sandali ng aking pakikipagbuno sa mga aklat na kailangan pang basahin ay pinilit kong isulat itong matagal ng nilalaman ng aking isipan. Aaminin ko na madilim ang aking pananaw habang sinusulat ko ito. Depressed? Burned-out? Fatigue? Ewan. Halo halo. Sa mga tamad magbasa ng ganito, maari na kayong tumigil dito pa lamang at baka ako pa ang maging sanhi ng pagkakaaksya ng oras ninyo, nakakahiya naman.
Totoo. Sawa na ako sa buhay ko sa pang araw-araw pero di nangangahulugan na gusto ko ng umayaw. Mahaba pa ang lalakarin sa daang bako-bako, paliko-liko na minsan ay mabato pa. Madadapa ka madalas ngunit ang mga sugat na matatamo mo ay magiging peklat lamang paglipas ng panahon. Karapatan nating bumagsak, tumilapon at maiyak dahil tayo’y tao lamang at kahit na hindi ko alam ang kalagayan ninyo sa ngayon dahil hindi na kayo nagpaparamdam, alam ko sa sarili ko na magpapatuloy kayo.
Pero hanggang doon na lang ako. Period. Kahit ano pang sabihin ko ay aminado akong wala na talaga akong alam tungkol sa inyo. Lahat ay nagbabago, oo. Pero sa pagbabagong iyon nawa’y hindi mabaon sa limot ang lahat. Sa mga pagkakataon na nakikita ko ang iba sa inyo minsan, iniisip ko kung kayo nga ba iyon o kamukha niyo lang dahil kahit titigan mo ay parang hindi ka talaga kilala.
Kailan ko nga ba huling nakita ang lahat? Parang kay tagal na noon at habang tinititigan ko ang mga larawan niyo noon ay iniisip ko kung tapos na nga ba ang lahat at wala ng mangyayari pa. Kahit na may event na nagaganap, ibang iba. Di ko maipaliwanag. Hindi na yata kayo yung kilala ko noon at malay ko rin ba na hindi na ninyo kilala ang “ako” na kilala ninyo noon. Mag-iisang taon na ang nakalipas ngunit talagang iba na nga ang ihip ng hangin.
Sana nga mali ako. Alam kong hindi panaginip ang lahat. Malungkot dahil parang hangin na lang ang laman ng garapon. Ilabas ang luha't doon itapon ang mga alaalang nagbigay inspirasyon sa lahat.
Ang hamon ko sayo ngayon: Saan tayo papunta?

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento